Friday, April 6, 2012

Anak, ano pa ba ang gusto mo?


Kanina, nakinig ako sa Siete Palabras. Ito ay isang programa ng mga paring Dominican sa Sto. Domingo na ipinalabas sa GMA7 bandang tanghali. Napakaganda ng mga ibinahaging pagninilay nilay ng mga pari. Ngunit, ang pari na nakapagbigay ng pinakamagandang mensahe para sa akin ay yung nagbigay pagninilay sa salitang "Nauuhaw Ako" ni Hesus.

Napagtanto ko na tama ang paring ito. Madalas tayong magreklamo. Hindi dahil ayaw natin kundi dahil tingin natin laging may kulang. Pakiramdam natin parang hindi sapat ang mga bagay bagay na mayroon tayo. Para bang hindi kumpleto. Para bang marami pa tayong dapat makuha at makamtan. Para bang lagi tayong nauuhaw.

Tama. Nauuhaw tayo. Ito ang dahilan kung bakit todo kayod ang mga tao sa pagtatrabaho. Trabaho dito. Trabaho doon. Tila wala ng bukas. Lagi tayong nagmamadali. Yung tipong laging may deadline ang mga gawain. Puro Go! Walang Red/Stop light para sabihan tayong, "teka, huminto ka muna. Hindi lang ikaw ang tao dito". Minsan, sa kahahanap natin sa mga bagay na sa tingin natin makakapagbuo ng ating mga sarili naililihis ang tingin natin sa isang natatanging bagay na matagal ng nakahain sa ating harapan.



No comments:

Post a Comment