Sunday, April 8, 2012

Heto ako...

Isa ako marahil doon sa napakaraming kumukutya sa mga estudyanteng kumukuha at nagbabalak kumuha ng BS Nursing. Ang nasa isip ko kasi tuluyan ng walang kinabukasan ang sinumang nagtapos ng BSN sa panahong ito. Tama. Isa rin ako doon sa mga taong nagsabing, "Never will I choose Nursing". Pero heto ako ngayon, isang student nurse.

Hindi dahil sa wala akong choice kung bakit ako napadpad sa UPCN. Binigyan ako ng dalawang choices : BA Phil Arts at BS Nursing. Dahil pangarap ko na maging isang health professional, pinili ko ang BSN. Sabi ko, "Sige. Kukunin ko muna 'to para makapasok. Pero pagkatapos ng isang taon, magshishift na ako sa ibang course" Iyon ang akala ko. :)

Ilang buwan pa lang ako sa kolehiyo at nagsimula na ang proseso kung saan nailalapit ko na ang sarili ko sa kursong aking kinukuha. Unti-unti na ring nawala sa isipan ko ang planong pagshishift sa BS Pharmacy. Sabi nga ng professors ko, iilan lang daw ang nagmamahal sa Nursing mula sa simula. Yung iba, napapamahal na lang along the process of becoming a licensed nurse. Yung iba nga dahil nakita nila ang "need" ng nurses sa bayan kaya nila kinalimutan ang kanilang matagal ng pinapangarap at ipinalit ang caring course na ito.

At ito na nga, napagisip-isip ko na itutuloy ko na ito. Wala ng urungan. Ano pa't natapos ko na ang isang taon. Tatlong taon naman na lang (sana.sana talaga) at magiging lisensyadong nurse na ako. Wala rin itong pinagkaiba sa ibang kursong naglalayong humubog ng mga propesyonal sa health/medical field. This is it. Kailangan ko ng paghandaan ang mas toxic na higher years. Pero bago 'yon, Org Chem at Math 1 muna ngayong summer. So help me God! :D

Friday, April 6, 2012

Anak, ano pa ba ang gusto mo?


Kanina, nakinig ako sa Siete Palabras. Ito ay isang programa ng mga paring Dominican sa Sto. Domingo na ipinalabas sa GMA7 bandang tanghali. Napakaganda ng mga ibinahaging pagninilay nilay ng mga pari. Ngunit, ang pari na nakapagbigay ng pinakamagandang mensahe para sa akin ay yung nagbigay pagninilay sa salitang "Nauuhaw Ako" ni Hesus.

Napagtanto ko na tama ang paring ito. Madalas tayong magreklamo. Hindi dahil ayaw natin kundi dahil tingin natin laging may kulang. Pakiramdam natin parang hindi sapat ang mga bagay bagay na mayroon tayo. Para bang hindi kumpleto. Para bang marami pa tayong dapat makuha at makamtan. Para bang lagi tayong nauuhaw.

Tama. Nauuhaw tayo. Ito ang dahilan kung bakit todo kayod ang mga tao sa pagtatrabaho. Trabaho dito. Trabaho doon. Tila wala ng bukas. Lagi tayong nagmamadali. Yung tipong laging may deadline ang mga gawain. Puro Go! Walang Red/Stop light para sabihan tayong, "teka, huminto ka muna. Hindi lang ikaw ang tao dito". Minsan, sa kahahanap natin sa mga bagay na sa tingin natin makakapagbuo ng ating mga sarili naililihis ang tingin natin sa isang natatanging bagay na matagal ng nakahain sa ating harapan.